Beinte Sinko
Alam mo ba ang upong beinte sinko? Ilang beses na rin akong nakaranas ng ganitong klaseng up, kung saan sa pagnanais ng driver ng jeep na mapuno ang jeep nya at kumita, talagang pinupuno nya ang jeep ayon sa kung ilan talaga ang bilang ng tao na kasya sa isang hanay. Iyon ay kung seksi lahat ng nakaupo. Kapag ikaw ay nakaupo ng upong beinte sinko (25) isang pisngi na lamang iyong puwit ang nakasuporta sa buong katawan mo. Minsan nga wala na nakaupo, halos nakasabit ka na sa baras na gegewang-gewang, o kaya nakakalso ang pitaka mo sa kanto ng upuan.Kahapon ng umaga ay nanggaling ako sa Quezon Avenue Station ng MRT, at ako ay sumakay sa terminal ng jeepney na UP Campus. Sa kamalas-malasan, ako ang pinakahuli at nataon na makakatanggap ng napakagandang pribelehiyo na umupo ng 25. Walang problema naman ito sa akin, dahil naaaliw ako na makita ang "indifference" na meron ang mga kapwa-"Iskolar ng Bayan" sa kanyang kapwa "Iskolar ng Bayan". Kahit nahihirapan ang isang kasama, walang pakialamanan minsan ang mga estudyante. Sa loob pa lamang ito ng jeepney, panu pa kaya minsan sa ibang lugar?
Habang binabagtas namin ang kahabaan ng Quezon Avenue, biglang nag-"full stop" ang jeepney. Shempre lahat ng tao nagulat at nagsiksikan patungo sa harapan. Masuwerte na lamang at ako ay mahigpit na nakakapit (tandaan, ako ay naka-25). Pag-andar namin ulit ay nakaupo na ako ng matiwasay dahil sa pagkakasiksik ng mgat tao. Hindi ko maiwasan na mapabulalas at pagkukutya ng malakas "Aba, lumuwang a...me lugar pa pala?"
Aking muling napatunayan na hindi totoo ang upong-25, sa mga normal na sirkumstansya. Puede naman na ako ay makiusap na medyo makisiksik pa ako sa buong hanay, ngunit aking tinitingnan kung ang mga "matatalino at makabayan" na mga iskolar ay magkakaroon ng simpatiya at pagkukusa sa pagtugon sa mga pangangailangan ng kapwa. Kung sa mga pang-araw-araw at simpleng sitwasyon na ganito ay palpak agad ang pakikipagkapwa at pagkukusa, papaano pa kaya sa ibang mas mahalagang mga bagay?
Sa pagtatapos, eto ang ilang napuna ko sa "simpleng" sitwasyon na ito:
1. Kapag puro babae ang nasa isang hanay ng jeepney at may nataong napaupo ng 25 na babae rin, hindi magkukusa ang mga babae na umayos o kaya gawin ang "in and out" method ng pag-upo, kung saan may magkukusa na babae na mag-out para magkaroon pa ng espasyo ang nangangailangan. Titingin lang sila.
2. Pag magandang babae ang nangangailangan, magbibigay ang lalaki na mag-out. Ngunit, kapag hindi kagandahan, pasensyahan na lamang.
3. Puede pa sumiksik sa pagkakaupo, ngunit minsan walang nagkukusa na sabihin ang di nakakaalam na may nangangailangan.
4. Maraming mga kababaihan ang patagilid umupo, galit pa kapag sinabihan mo na umayos para sa nangangailangan.
5. Mayroon din nakadikwatro sa loob ng jeepney, kahit siksikan na. Walanghiya!
O baka naman sa loob lamang ng Unibersidad ang ganitong mga sitwasyon, kung saan talino at pinansiyal na kapasidad ang sukatan ng pagiging isang tunay na iskolar? Malamang ang aking sanaysay ay batuhin ng "Hasty generalization". Pero subukan nyo, bilang isang mapanuri at sensitibing mamamayan na nagbebenepisyo sa pampublikong sasakyan.
Enjoy.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home